Wednesday, May 26, 2010

ISANG TAONG MABUTI AT TAPAT

PAGKAIN SA ATING TRABAHO:

ISANG TAONG MABUTI AT TAPAT

Marami sa atin ngayon ay kuntento o sapat na sa bunga ng kanilang mga gawa basta’t ito’y natapos o makapasa lamang ng report na hinihiling ng kanilang boss o manager. Sa totoo lang ay hindi tayo ginawa ng Diyos upang gumawa ng maliit bagkus ayon sa hangganan ng ating kakayahan. Tayo’y tinawag na manguna sa karamihan ng may kabutihan at katapatan.

Ang kahulugan nito’y gumawa tayo ng tama at nakahandang tumulong ng doble pa sa inaasahan ng iba sa iyo. Higit pa sa inaasahang ng iba na kaya mong gawin tulad ng pagpasok sa opisina 10 minutong maaga at 10 minutong huli sa pag-uwi. Ito’y simpleng gawi na kailangan nating mapagtagumpayan upang sa mga malalaking gawain ay mabigyan tayo ng lakas upang matapos at maisakatuparan. Huwag tayong manatili sa maliit bagkus ibigay natin ang kaya nating itulong na ang tatanggap ay magsasapat para sa kanyang pangangailangan.

Ang ating Panginoon ay mabiyaya gusto niya’y ibigay ng sapat at lumalabis upang makatulong tayo sa mga nangangailangan. Ang iba’y nagtatanong ng ganito Panginoon bakit hindi mo ako pinagpapala? Bakit hindi mo ako pinopromote sa trabaho? Ang sagot ay ginagawa mo ba ang tama? Tumutulong ka ba sa iba? Tinatrato mo ba nang mabuti at tama ang iba?

Ang sabi ng Bibliya sa aklat ng Colosas 3:23 “ Ano man ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon. Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon.” Ibigay natin ang “best effort “ na sa Diyos natin ito ginagawa at naglilingkod. Kung tayo’y gagawa nang ganyang pamantayan sa isip. Ang Diyos ay nangako na tayo’y gagantimpalaan.

Ang sabi sa Kawikaan 2:7 “ Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay, at ang taong matapat ay kanyang iingatan.” Kaya’t gawin nating matapat sa lahat ng aspeto ng ating buhay.

Nais nang iba’y pabilisin o “ishort cut” bastat makacomply sa trabaho, ito’y mahina at hindi pulido ang gawa kaya’t mauuwi ito sa sariling sakit at kahinaan. Kaya’t ang mahinang desisyon ay mahina ring pundasyon at magbubunga ng napakaraming problema sa hinaharap na tayo mismo ang gumawa.

Ano ang ginagawa natin kung tayo’y nag-iisa sa trabaho at walang nakakakita? Dinidiligan ba natin ang ating pundasyon o pinapahina dahil sa kawalan ng katapatan? Tayo ba’y nagkukulang sa iba at sa ating boss? Anong klaseng materyales ang ginagamit natin sa ating buhay upang magpatuloy pa?

Marlou R. Concepcion

Inspired by the book of Joel Osteen

“ Your Best Life Now”

No comments: