Monday, May 31, 2010

HUWAG KANG MAG-ALALA PARA SA ARAW NG BUKAS

Marami sa atin ay problema nila ang bukas dahil sa dami ng pangangailangang pinansyal, seguridad at iba pang mga bagay dito sa mundo para makapagpatuloy sa buhay. Ngunit sinasabi sa Bibliya sa aklat ng Mateo 6:34 "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw."

Ang katotohanan ay hindi natin hawak ang mga pangyayari para sa bukas kaya’t sinasabi ni Santiago sa kanyang aklat na: Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. Sa halip ay sabihin ninyo, "Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon." Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!- (4:14-16)

Ang pag-aalala para sa kinabukasan ay makakalito lamang sa ating mga gawain para sa araw na ito. Hayaan nating ang bukas ang siyang bahala sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos at sa paggampan ng kanyang kalooban sa kasalukuyan. Huwag nating hahayaan na ang bukas ang siyang maging hadlang sa paghahanap natin sa kaharian ng Diyos at kanyang kalooban sa atin. “Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.”-Mateo 6:33

Gawin natin na ang kaharian ng Diyos at kanyang katwiran ang pangunahing sentro ng ating buhay hindi ang mga materyal at kayamanan dito sa mundo. Sapagkat ang mga bagay sa mundo ay temporal at ang mga bagay sa Diyos ay walang hanggang buhay.

Hindi ko sinasabing hindi mabuti ang pera o kayamanan sapagkat ito’y instrumento upang tayo ay mabuhay, magpatuloy, at magkaroon ng magandang kalusugan sa paglilingkod sa ating Diyos habang tayo’y nabubuhay. Ang masama sa buhay ng isang tao ay ang pagmamahal sa mga bagay na ito. Nagiging prayoridad at pangunahin na ating at ang hindi maganda ay ito na ang kumukontrol sa ating buhay. Ang pagmamahal sa pera ay ugat ng kasamaan.

Kaya’t dapat maunawaan ng lahat na kapag tayo’y nagkakaroon ng mga labis na biyaya mula sa Diyos ito ang pagkakataon nating magkawang-gawa at maipakita sa iba ang pag-ibig ng Diyos. Ang nais sumunod at bilang tagapaglingkod sa ating Diyos ay nakahandang iwan ang lahat at kalimutan ang sariling interes bagkus ang pinagsusumikatan ang mga bagay na makalangit.

No comments: